pumanaw tayo sa dalampasigan
magiliw ang alon
nung sumisid tayo sa lalim
hindi ka na muling umahon
iniwan mo ako sa baybayin
pangahas tayong nangarap
tuklasin ang ating salamangka
hamunin ang mga akala
bakit hindi ka nagpaalam ng tinawag ka nang bulong
nakita mo na ba ang liyab ng dagat
nasagot mo na ba ang mga bugtong
naaninag kita sa dapithapon ng minsan
sa bungad ng dumarating at lumilisan
naghihintay ka pa ba
naalala mo pa ba tayo
ako na naging ikaw
ikaw na laging ako
pumanaw tayo sa dalampasigan
nakahimlay sa agos ng alinlangan
pamisan-minsan, humuhuni ang ating mga kwento sa hangin, nakakarating sa dapat paratnan, tampok lamang ang isang kaisipan.
isang kaisipan lamang ang maaaring mabuhay sa isang ulo. gaano man kalawak ang imahinasyong sinaklolo mo.
By: alienzapper on Oktubre 15, 2009
at 14:00
May typo error sa linyang: “Bakit hindi ka nagpaalam [nang] tinawag ka ng bulong.” Kung ang persona at ang tiyak niyang kausap ay “pumanaw sa dalampasigan” ano’t nagawa pa rin nilang “sumisid sa lalim”? Kulob ang pahiwatig, at kahit ang “bulong” na tumawag sa kausap ng persona ay maaaring dagat o hangin o panaginip, ngunit mananatiling lihim sa gaya kong nagmamasid.
Ipagpatuloy mo ang pagtula, at nawa’y lumahok sa palihan ng mga kabataang makata ng LIRA.
By: Roberto Añonuevo on Oktubre 17, 2009
at 09:54
maraming salamat po sa inyong galing sa dila at talas ng mata upang makita at itama ang detalyeng madalas maisantabi.
ang unang linya ay paglalahad ng kasalukuyan. ang sumunod ay “flashback” na naglalahad ng nakaraan.
ang puna at magandang salita mula sa isang haligi ay nagpapasigla ng aking pluma. dalaw po kayo ulit.
By: katha on Oktubre 17, 2009
at 13:04