Ipinaskil ni: katha | Oktubre 16, 2009

panata

with_bear_by_hoppipoppi
may dapithapong nangingiming pumanaog sa dilim
dahil walang lambing ang umagang lumisan
walang init na mahanap ang gabi
kumot sa bangungot na tangan

may alinlangan ang bukang liwayway sa pagmulat
dahil nilimot ng bahaghari ang araw
walang kulay na tanawin ang bituin
sa mundong lalawigan ng panambitan

ngunit huwag kang matakot sa banaag
hindi ka dapat mangamba

laging may sinag na pangako ang langit
laging kalasag ng liwanag ang buwan

Ipinaskil ni: katha | Enero 8, 2009

hamog

nais pumasok
sa bintana, sa pintuan
sa bawat munting lagusan

walang hindi matuklasan, walang hindi mahawakan
ang lamig ng hangin
kapag dumaan

Ipinaskil ni: katha | Enero 7, 2009

karimlan

The_Setting_Sun_by_gilad

uukitin ko itong damdamin
sa alikabok ng hangin
walang bigat, walang tinig

sa lalim ng dilim

sa kawalan ng lihim

Ipinaskil ni: katha | Oktubre 23, 2008

tula ng bula

ano ang hinahanap
         ng madalas sa minsan
         ano ang timbang
                  ng balat sa laman
                  ano ang tinig
                          ng bulong na hiling
                          ano ang tunog
                                   ng lagaslas ng lalim

ano ang halaga ng dilim
kung walang nakikinig sa kwento ng bituin

ang hiwaga ay naglalahong bula
kapag hindi inangkin ng diwang makata

Ipinaskil ni: katha | Oktubre 15, 2008

sa aking alamat

pumanaw tayo sa dalampasigan

magiliw ang alon
nung sumisid tayo sa lalim
hindi ka na muling umahon
iniwan mo ako sa baybayin

pangahas tayong nangarap

tuklasin ang ating salamangka
hamunin ang mga akala

bakit hindi ka nagpaalam ng tinawag ka nang bulong

nakita mo na ba ang liyab ng dagat
nasagot mo na ba ang mga bugtong

naaninag kita sa dapithapon ng minsan
sa bungad ng dumarating at lumilisan

naghihintay ka pa ba
naalala mo pa ba tayo
ako na naging ikaw
ikaw na laging ako

pumanaw tayo sa dalampasigan
nakahimlay sa agos ng alinlangan

Ipinaskil ni: katha | Setyembre 22, 2008

takipsilim

i_don__t_want_a_falling_star_by_mutatedMILKFISH

pinilit kang hindi mahalin
at nagdilim ang mga bituin

Ipinaskil ni: katha | Setyembre 21, 2008

unos

magbabaha ng luha
ang tigang na lupa

sa dugo ng kahapon
amuhin ang daluyong

Ipinaskil ni: katha | Setyembre 20, 2008

ligaw

matagal na akong naglalakbay
dumadaan
wala pang nararating

masalimuot ang biyaheng ito
paikot-ikot
sadyang maliligaw

lalo’t malayo ang tingin
Ipinaskil ni: katha | Setyembre 19, 2008

tuklas

may hiwaga ang daan
sa naghahanap ng kabuluhan

_To_believe_or_not_to_believe__by_Nonnetta

Ipinaskil ni: katha | Setyembre 18, 2008

binhi

                       

               
     
ito ay isang
             
 pagbabalik
      sa kandungan
ng mga panaginip


Mga Kategoriya